Sa Pananaw Ng Iyong Anak
Setyembre 30, 2008
Sa Pananaw Ng Iyong Anak
Pagmulat pa lang ng aking mga mata
Binalita agad sa akin na ika’y isang makata
Sa paglaki’y nasilayan ko ang iyong ganda
At di ko dapat na ika’y ikahiyang ibanda
Dalisay mo’y naiiba, ito’y walang katulad
Mga supling mo ay talagang mapapalad
Bayan ay natatanging morenang marikit
Lahat sa iyo’y magkakandarapang dirikit
Isip sa magandang aral mo, ito’y nahasa
Dahil tinuruan mong sumulat at bumasa
Ang ‘yong diwa’t dangal, ipinaglalaban
Ng mga tapat mong kawal sa mga kalaban
Buo ang loob at tunay ngang sila’y magigiting
Hininga’y nakitil upang ang iba’y magising
Puede Na Iyan!
Mayo 30, 2008
Tutoo nga ba ang tsismis ng aking mga kababayan?
Na ang mga representatibo daw ng ating Inang bayan
Ay wala silang ginawa, kundi makutiya ng mga OFW;
Ako’y di naniwala, ngunit ginigiit na ito’y very true!
Tutoo, nalaman ko ito ng ako’y pumunta sa embassy,
Para ibalik ang passport na may bura, ako pa’ng sinisi!
Atsaka, insultong sabihan pa ako ng „Puede na iyan!”,
Hindi nila naisip na sa aming pawis, kaya sila nandiyan;
Simpleng pangalan lang ay di nila kayang mai-spelling;
Paano pag foreign names, kung kayo‘y walang galing?!
Baka dangal ng bayan ay mapahiya, dahil kayo’y pabaya;
Nais pa nila akong utakan, akala nila’y ako’y madadaya!
Kung lahat ng embassy staffs ay ganito ang pag-uugali,
Paano na? Sana’y tunay ang pakisama, kahit panandali!
Ng Madungisan Ang Batis
Mayo 30, 2008
Kamusmusan, ay nagtatampisaw sa iyong batis;
Mga halik at ngiti mo’y sintamis ng hinog na atis!
Ngunit, ako’y nalungkot dahil sa ika’y nakatali;
Damdamin ko’y nabahala’t ako’y hinde mapakali;
Laking pagkamangha ng makita na ganda mo’y
May mga pagbabago, at bigla itong nagkaamoy,
Tamis ng mga ngiti, ay unti-unti ng naglalaho;
At hinde ka na kumikibo, kahit sa magtataho!
Ikaw, ngayon ay parang napakaluwang na lawa,
Na punong-puno ng naglalakihang mga sawa;
Sa dalisay, sila ay tuwang-tuwa na lumilingkis;
Sa iyo, ay walang mga awa’t sawang ikinikiskis,
Kanilang mga katawan na may dalang anghit;
At pati isip mo, ay sapilitan nilang hinihithit!
Makatang Alipin
Abril 24, 2008
Makatang Alipin
Ang makatang
alipin
ginagamit
ang kanyang isip sa taludtod, ng naiibang
ugong
Wala ni isa
kundi ang kanyang guni-guning mambabasa ang humarap
upang unawain ang kagustuhan
ng
kanyang kamay
Kaya kong
damhin
ang kanyang tula, habang ang mga dahon ng taglagas
ay bumabagsak sa
lupa
Lumalangitngit
sa matinding
katahimikan, ngunit ang siyudad ay namulaklak
nang napakaganda; at ang
bawat isa’y naamoy ang kinabukasan
Ikaw at Ako, Dugong Filipino!
Abril 24, 2008
Ikaw at Ako, Dugong Filipino!
Pakiusap ko sa mga kapatid na taga-Mindanao,
Sa poder ni Inay, h‘wag sana kayong pumanaw;
Nalungkot siya, dahil ang Sabah ay ipinamigay,
Ng ang ating nagbabantay, ay nakuha sa lagay!
At ngayon, Spratley naman ay pinag-aagawan,
Kung kayo’y hihiwalay, sino na ang maiiwan?
Lagi, tulungan mabuti ang nagdurusang si Inay,
Upang ang bakod niya’y di na muling maanay;
Bantayan ng maigi ang lahat ng ating mga pag-aari,
Lalo na sa mga kababayan, na parang mga hari!
Pag kayo ay lumisan ng tuluyan sa kandungan,
Pagkatao ng ating magulang ay makukulangan;
May nais na hilingin, sa armas ay h‘wag daanin;
Bawat dugong dadaloy, ating dapat alalahanin!
Ang Kapalit Ng Bawat Pangarap
Abril 24, 2008
Ang Kapalit Ng Bawat Pangarap
Damdamin ay tumatangi‘t isip mo’y naiinis
Dahil dalubhasa’y ginagamit lang na panlinis
Ng mga magaganda’t nagtatayogang gusali
Na ang katawan, ay di man lang ito nakatali
Kaya kahit anong klaseng gawin mong ingat
Dahil sa bigat ng bitbitin, pag ika’y nalingat
Ang hapong katawan, ay tiyak na masasawi
At baka ang pinong mga abo, ang humawi
Sa mga mahal mo at sa kanilang pangarap
Ngunit, wala kang magagawa kundi iharap
Ang iyong sarili, sa mga balong kumunoy
Na hatid nito’y walang iba kundi panaghoy
Nagtitiis ka, alang-alang sa iyong pangako
Kay Ina’y hahango, kahit ikaw ay mapako