Puede Na Iyan!

Mayo 30, 2008

Tutoo nga ba ang tsismis ng aking mga kababayan?

Na ang mga representatibo daw ng ating Inang bayan

Ay wala silang ginawa, kundi makutiya ng mga OFW;

Ako’y di naniwala, ngunit ginigiit na ito’y very true!

Tutoo, nalaman ko ito ng ako’y pumunta sa embassy,

Para ibalik ang passport na may bura, ako pa’ng sinisi!

Atsaka, insultong sabihan pa ako ng „Puede na iyan!”, 

Hindi nila naisip na sa aming pawis, kaya sila nandiyan;

Simpleng pangalan lang ay di nila kayang mai-spelling;

Paano pag foreign names, kung kayo‘y walang galing?!

Baka dangal ng bayan ay mapahiya, dahil kayo’y pabaya;

Nais pa nila akong utakan, akala nila’y ako’y madadaya!

Kung lahat ng embassy staffs ay ganito ang pag-uugali,

Paano na? Sana’y tunay ang pakisama, kahit panandali!

 

Ng Madungisan Ang Batis

Mayo 30, 2008

Kamusmusan, ay nagtatampisaw sa iyong batis;

Mga halik at ngiti mo’y sintamis ng hinog na atis!

Ngunit, ako’y nalungkot dahil sa ika’y nakatali;

Damdamin ko’y nabahala’t ako’y hinde mapakali;

Laking pagkamangha ng makita na ganda mo’y

May mga pagbabago, at bigla itong nagkaamoy,

Tamis ng mga ngiti, ay unti-unti ng naglalaho;

At hinde ka na kumikibo, kahit sa magtataho!

Ikaw, ngayon ay parang napakaluwang na lawa,

Na punong-puno ng naglalakihang mga sawa;

Sa dalisay, sila ay tuwang-tuwa na lumilingkis;

Sa iyo, ay walang mga awa’t sawang ikinikiskis,

Kanilang mga katawan na may dalang anghit;

At pati isip mo, ay sapilitan nilang hinihithit!

Ikaw at Ako, Dugong Filipino!

 

Pakiusap ko sa mga kapatid na taga-Mindanao,

Sa poder ni Inay, h‘wag sana kayong pumanaw;

Nalungkot siya, dahil ang Sabah ay ipinamigay,

Ng ang ating nagbabantay, ay nakuha sa lagay!

At ngayon, Spratley naman ay pinag-aagawan,

Kung kayo’y hihiwalay, sino na ang maiiwan?

Lagi, tulungan mabuti ang nagdurusang si Inay,

Upang ang bakod niya’y di na muling maanay;

Bantayan ng maigi ang lahat ng ating mga pag-aari,

Lalo na sa mga kababayan, na parang mga hari!

Pag kayo ay lumisan ng tuluyan sa kandungan,

Pagkatao ng ating magulang ay makukulangan;

May nais na hilingin, sa armas ay h‘wag daanin;

Bawat dugong dadaloy, ating dapat alalahanin!

 

 

Ang Kapalit Ng Bawat Pangarap

 

 

Damdamin ay tumatangi‘t isip mo’y naiinis

Dahil dalubhasa’y ginagamit lang na panlinis

Ng mga magaganda’t nagtatayogang gusali

Na ang katawan, ay di man lang ito nakatali

Kaya kahit anong klaseng gawin mong ingat

Dahil sa bigat ng bitbitin, pag ika’y nalingat

Ang hapong katawan, ay tiyak na masasawi

At baka ang pinong mga abo, ang humawi

Sa mga mahal mo at sa kanilang pangarap

Ngunit, wala kang magagawa kundi iharap

Ang iyong sarili, sa mga balong kumunoy

Na hatid nito’y walang iba kundi panaghoy

Nagtitiis ka, alang-alang sa iyong pangako

Kay Ina’y hahango, kahit ikaw ay mapako